Ligaw

Nitong mga nakaraang buwan, madalas akong nag-iisip. Tinatanung ang sarili kung tama ba ang mga ginagawa kong desisyon sa aking buhay. Nagmumuni –muni at nagtatanung,  masaya ba ako?

Napakasimpleng tanung pero mahirap sagutin. Mahirap dahil ayaw kong malaman ang kasagutan, o mas tama sigurong sabihin na alam ko ang sagot pero ayaw ko lang tanggapin. Hindi naman pala mahirap sagutin, mahirap lang harapin.

Ngayon ko lang naramdaman ang ganitong pakiramdam, yung pakiramdam na nasa kawalan, na hindi alam ang gagawin at gulong gulo sa lahat ng nangyayari sa buhay. Ligaw.

Posted in Uncategorized | Leave a comment

Sa Paskong Darating…

Ang tagal ko ding hindi nakapag sulat. Ang huli ko pa pala ay nung malapit na kong umuwi ng Pinas nung una akong magawi dito sa Bangladesh. Ngayon, malapit na akong umuwi ulit kaya naisipan kong sumali sa pakontest ng aking mahal na kaibigan at muli ay buhayin ang pahinang ito. :)
Ang gusto ko lang naman talaga sa Pasko ay kalakasan pa para sa aking mga magulang. Marami pa akong gustong gawin para sa kanila, madami pang bagay ang gusto kong maibigay sa kanila, marami pang lugar ang gusto kong mapuntahan nila, madami pang pagkain ang nais kong matikman nila, at madami pa ako, kasama ng aking mga kapatid, na pagmamahal na gustong ipadama sa kanila.
Kaya sa darating na Pasko, ang tanging hiling ko lang, kalusugan ni Ama at Ina. :)

Para sa Make a Wish List Raffle ni Salbehe.

Posted in Uncategorized | 9 Comments

Pilipinas

Mayo. Iniwanan kita. Pinili kong lumayo para patunayan sa sarili kong kaya kong malayo sa iyo. Gusto kong patunayan na hindi lang sa iyo umiinog ang mundo ko. Gusto kong patunayan na may buhay din sa labas ng sirkulo mo.

Hunyo. Oo, napatunayan kong kaya ko ng malayo sa iyo — ngunit hindi pala sa mahabang panahon. Napatunayan kong maaring uminog ang mundo ko sa iba ngunit hahanap-hanapin ko pa din ang direksyon mo. Napatunayan kong may buhay nga sa labas ng sirkulo mo pero babalik at babalik pa din ako sa piling mo.

Isang buwan. Isang buwan para mapatunayang sadya kang naiiba. Isang buwan para mapatunayang karadapat-dapat kang ipagmalaki. Isang buwan para mapatunayang karapatdapat kang mahalin. Isang buwan. Isang napakahabang buwan sa lupain ng mga banyaga.

Posted in Personal | 25 Comments

Ang Simula ng Pagbabalik…

Ito na ang aking pagbabalik…

Susubukan muling buhayin ang isang bagay na matagal-tagal ko na ring hindi nagawa–ang magsulat.

Hangad na makapagbahagi ng mga aral ng buhay.

Hangad na makapagbigay saya sa iba.

Hangad maging malayang muli.

At paghahangad na maging buong muli.

Ngayon, Ngayon na ang simula…


Posted in Personal | 17 Comments